emil08 (emil08) wrote in bonifaciolive,
emil08
emil08
bonifaciolive

ang dapat mabatid ng mga Tagalog

Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog

 Isinulat ni Andres Boniacio

 

ITONG Katagalugan, na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabuhay sa lubos na kasaganaan at kaginhawaaan. Kasundo niya ang mga kapitbayan at lalung-lalo na ang mga taga-Hapon, sila ay kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kayat dahil dito'y mayaman ang kaasalan ng lahat. Bata't matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog.

Dumating ang mga Kastila at dumulog na nakikipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na diumano, tayo'y aakayin sa lalong kagalingan, at lalong imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo.Gayon man, sila'y ipinailalim sa taal na kaugalian ng mga Tagalog na sinasaksihan at pinapagtibay ang kanilang pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kukumuha ng kaunting dugo sa kani-kanilang mga ugat, at yao'y inihalo't ininom nilang kapwa , tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na hindi magtataksil sa pinagkayarian. Ito'y siyang tinatawag na Sandugo (1) ng Haring Sikatuna at ni Legaspi na pinakakinatawan ng hari sa Espanya.(2)

Buhat nang ito'y mangyari ay bumibilang na ngayon sa tatlong dantaong mahigit na ang lahi ni Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan; ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan. Ginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng buhay sa pagtatanggol sa kanila; kinakahamok natin sampu ng tunay na mga kababayan na ayaw pumayag na sa kanila ay pasakop, at gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga Insik at mga Olandes na nagbalak na umagaw sa kanila nitong Katagalugan.

Ngayon, sa lahat ng ito, ano ang sa mga ginawa nating paggugugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahilan ng ating paggugugol? Wala kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala. At ang mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo ay lalong gigisingin sa
kagalingan? Bagkus tayo'y binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan. Iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan.

At kung tayo'y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging kasagutan ay ang tayo'y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal na mga anak, asawa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng malahayop na kabangisan.

Ngayon, wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan. Ngayon, lagi nang ginagambala ang ating
katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntong-hininga at hinagpis ng makapal na ulila, balo't mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya (3) ng mga manlulupig na Kastila.

Ngayon, tayo'y malulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan, na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tingga na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam. Ngayon, lalo't lalo tayong nabibilibiran ng tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan.

Ano ang nararapat nating gawin?

Ang araw ng katwiran na sumisikat sa Silanganan ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin. Ang liwanag niya'y tanglaw sa ating mga mata upang makita natin ang mga kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal.

Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo't lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan.

Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari.

Itinuturo ng katwiran na tayo'y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan.

Itinuturo ng katwiran na tayo'y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala, at tayo'y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.

Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan.

Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo'y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan.

Ngayon, panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagmulan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat hakbang natin ay tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa atin ay inuumang ng mga kaaway.

Kaya, O mga kababayan! Ating idilat ang nabulag na kaisipan, at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa minimithing kaginhawahan ng bayang tinubuan.


 

  • Post a new comment

    Error

    Anonymous comments are disabled in this journal

    default userpic

    Your IP address will be recorded 

  • 0 comments